Thursday, September 5, 2013

Jose C. Feliciano College Foundation Matagumpay na Nagdiwang ng Buwan ng Wika 2013



Sa ilalim ng temang: Wika Natin ang Daang Matuwid, matagumpay na ipinagdiwang ng Jose C. Feliciano College Foundation ang Buwan ng Wika noong ika-29 ng Agosto 2013. Ginanap ang selebrasyon bilang pagtalima sa pambansang pagdiriwang ng Buwan ng Wika.

        Nagdaos ang Kolehiyo ng iba’t-ibang patimpalak na naglalayun na isulong ang paggamit, pagpapalago at pagpapahalaga sa pambansang wika. Nagkaroon ng paligsahan sa rap sa Filipino, sabayang pagbigkas, isahang tinig, at tagisan ng mga Lakan at Lakambini.

        Nagkaroon ng “Rapublika” o paligsahan sa pag-rap o mabilis na awiting pasalita. Nagkaroon din paligsahan sa pinaka-gwapong Lakan at pinakamagandang Lakambini. Dalawang klase ang nagtagisan sa Sabayang Pagbigkas. Nagpakitang gilas naman ang tatlong estudyante sa pag-awit ng mga awitin Pinoy sa Isahang Tinig.

        Ang pagdiriwang ay binuksan ni Dr. Aurea De Vera, Pangalawang Pangulo ng Kolehiyo. Sa kanyang talumpati, malugod na binati ni Atty. Manuel M. Feliciano, Pangulo ng Kolehiyo, ang mga miyembro ng faculty, staff, at students at mga hurado sa kanilang pakikilahok na siyang naging susi ng tagumpay ng pagdiriwang. Sina Atty. Robert John I. Donesa, Gng. Marian P. Tapnio at G. George C. Granados ang umupo bilang mga hurado.